MGA MATA SA ESKINITA

SA TUWING sasapit ang dilim, may mga mata namang nakamasid sa isang eskinita. Mga matang namumugto. Namumula. Puno ng galit at kalungkutan. Ang mga labi ay may mga salitang inuusal ngunit sarili niya lang ang nakaririnig. Hindi alintana ang mga dumadaang tao. Hindi rin naman siya papansinin ng karamihan sa mga ito. Suot ang kanyang butas na tsinelas, kulay dilaw na damit at itim na short na may kalumaan na dahil sa mangilan-ngilang punit nito at mga mantsa—sino nga ba’ng mag-aaksaya ng panahon sa kanya? Marahil ay iiwasan pa nga siya dahil sa hawak niyang patalim. Bakas sa sunog na balat at ilang peklat na dulot ng pinagdaanang kahirapan.

Napaluha siya. Bagay na lalong hindi alintana ng ilan. Bakit nga ba humantong ang kanyang buhay sa malupit na kawalan, gayung nabiyayaan siya ng magandang buhay dahil sa karangyaang kinamulatan.

Anak mayaman siya. Sagana sa lahat ng bagay. Ibinibigay sa kanya ng mga magulang ang lahat ng kailangan at naisin niya, subalit hindi siya naging masaya. Hindi kasi siya katulad ng ilang kabataan na iyon ang kasiyahan. Simple lang naman ang gusto niya—buong pamilya sa hapag-kainan at panahon ng kanyang mga magulang. Ngunit wala siyang magawa. Bihira niyang makita ang mga magulang na subsob sa trabaho at mga pagtitipon habang naiiwan naman sila palagi ng kanyang bunsong kapatid na si Brenna.

Labing walong taong gulang si Brandon nang maglayas siya. Mahirap para sa kanya ang iwanan ang kapatid pero hangad niyang magkaroon ito ng magandang kinabukasan. Nagpalaboy-laboy siya. Naranasan niyang mamalimos. Naranasan niya ang hirap ng buhay pero hindi niya ni minsan naisip na umuwi. Nagsikap siya. Kung anu-anong trabaho ang pinasok para mabuhay hanggang sa makabalik sa eskwela sa tulong ng scholarship. Iyon nga lamang, dahil pinagsasabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho, bumaba ang kanyang grado at tuluyang nahinto sa pag-aaral. At hindi na siya nabigyang muli ng pagkakataon.

Nang dumating sa buhay niya si Yna, lalo naman siyang nagsikap sa pagtatrabaho. Hanggang sa paglipas ng mga taon, unti-unti niyang nabuo ang pinapangarap niyang buong pamilya. Hikahos man sa buhay, masaya at ang Diyos ang sentro ng kanilang tahanan. Iyon lamang ang gusto niya. Ang pamilya umano ang tunay na kayamanan, sapagkat ang salapi ay dumadating at nawawala; dumadami at nauubos, pero hindi ang pamilya.

Isang araw, niyanig ng isang matinding pagsubok ang kanilang tahanan.

Iinumin na lamang ni Brandon ang kanyang mainit na kape nang mapansing wala ang binatilyong anak na si Karlos. Nabaling ang kanyang tingin sa asawang abala sa paghahanda ng kanilang agahan.

“Tulog pa ba ang anak mo, `Ma?” aniya.

“Hindi siya umuwi kagabi,” tugon naman ng asawa.

“Ano? Ba’t ngayon mo lang sinabi sa `kin?” naibulalas ni Brandon. Halos mapaangat ang kanyang p’wetan sa kinauupuan dahil sa pag-aalala.

“Huminahon ka nga. Nagpaalam siya kagabi na dadalo sa birthday party ni Estong. Baka do’n na siya nakatulog. Pauwi na rin `yon,” nangingiting paliwanag ni Yna.

“Aba! Nag-aalala lang ako sa anak mo. Hindi ka ba nanonood ng balita? Ilang kabataan na ang natatagpuan na lang na walang buhay sa kalsada. Pa’no kung mapagkamalan din `yong anak mo at mapatay?”

Napayapos si Yna sa dibdib dahil sa kabang biglang sumikdo rito na dulot ng mga tinuran ng asawa. Maluha-luha siyang napatingin dito habang hinahalo ang tinimplang kape. “H’wag ka ngang mag-iisip ng ganyan, `Pa. Kinakabahan ako sa `yo. Baka mapaanak ako nang hindi oras.”

“Oh, siya! H’wag mo nang isipin `yong sinabi ko. Dadaanan ko na lang siya sa bahay ng kaibigan niya,” bawi naman ni Brandon sa asawa nang mahalata ang pamumutla nito.

“Mamamasada ka ngayon? Hindi ba’t may tigil-pasada? Baka harangin ka sa daan.”

“Naiintindihan ko naman ang ipinaglalaban nila. Ako man, `yon din ang hinaing ko, pero kayo ang iniisip ko. Sayang din ng kita sa isang araw.” Napabuntong-hininga siya.

“Magpahinga ka naman muna ngayon. Baka—” Nahinto sa pagsasalita si Yna nang agawin ang kanilang pansin ng sunod-sunod na mga katok sa pinto. Dinig din niya ang boses ng kumare na walang tigil sa pagtawag sa kanyang pangalan.

Magkasunod nilang tinungo ang pinto. Bumungad sa kanila ang mag-asawang kapitbahay na tila may dalang masamang balita dahil sa takot at pag-aalalang dumudungaw sa kanilang mga mata.

“Bakit, mare?” tanong ni Yna.

“Nakauwi na ba si Karlos mo?” balik-tanong ng ginang habang sumisilip sa loob ng kanilang bahay.

“Hindi siya umuwi kagabi. Pupuntahan ko nga kina Estong,” sabat ni Brandon.

“Naku, pareng Brando, may natagpuang bangkay sa hindi kalayuan kina Estong. Hindi raw makilala kasi basag ang mukha. Pero nakaputing t-shirt daw saka kasing gulang ng anak n’yo. `Di ba nakaputi siyang damit pag-alis niya kahapon?” balita ng kumpare nilang tila hingal na hingal pa.

“Ano?” naibulalas naman ng mag-asawang Brandon at Yna.

Hindi sila nagsayang ng panahon dahil sa labis na pag-aalala. Dinatnan nila sa madamong lugar ang kumpulan ng mga taong nakikiusyoso at ilang pulis. Sumiksik si Brandon sa mga tao upang makita ang biktimang nasa sentro nito. Doo’y bumungad sa kanya ang duguang katawan ng kanyang mahal na panganay.

“Anak!” pumapalahaw nitong iyak.

Nang marinig naman iyon ni Yna na naiwan sa hindi kalayuan ay napaupo na lamang siya sa lupa. Impit ang mga hikbi, subalit hindi naman maawat ang sunod-sunod na patak ng kanyang mga luha.

Naging usap-usapan ang sinapit ng kanilang anak. Kung kani-kanino sila lumapit para lamang humihingi ng tulong. Maraming tumugon, ngunit sadyang mailap ang hustisyang isinisigaw nila para sa binatilyo. Isa na rito ang kawalan ng testigo kaya hindi umuusad ang kaso. Ang dalahin ng pamilya nila ay bumigat nang bumigat, dahil sa paglipas ng ilang buwan ay wala pa ring salaring napaparusahan.

Isang araw, kumatok sa kanilang pinto ang taong pinakahihintay.

“Pauwi na po siya noon, mga alas-otso ng gabi. Nagpasya akong sundan siya kasi naiwan niya `yong padalang pabalot ni Nanay para sa inyo. Sa eskinita po na hindi pa gaanong kalayuan sa amin, hinarang siya ng tatlong lalaki. Sapilitang kinukuha ang cellphone at pitaka niya. Tutulungan ko sana siya pero natakot ako nang maglabas ng baril ang isa sa kanila kaya nagtago ako. Matapang si Karlos. Sa halip na matakot, lumaban siya. Nagkahabulan sila pero naabutan siya malapit sa damuhan. Doon na siya pinagtulungan ng mga adik na `yon. Tatlong putok ng baril ang narinig ko bago siya bumulagta sa lupa. Hindi pa sila nakuntento, kumuha sila ng malaking bato na ipinukpok nila sa mukha ng kaibigan ko,” maluha-luha at nanginginig na kwento no Estong.

“Bakit ngayon ka lang nagsalita?” nakayukong tanong ni Brandon.

“Natakot po ako. Kaya lang, hindi ako pinatatahimik ni Karlos. Gabi-gabi niya akong dinadalaw sa mga panaginip ko. Humihingi ng tulong. P-patawad po kung duwag ako at hindi ko siya nailigtas.”

Napaangat ang luhaang mukha ni Brandon at nabaling ang tingin sa binatilyo. Ipinatong niya ang kanyang kanang kamay sa kaliwang balikat nito. “Wala kang kasalanan. Nauunawaan kita.”

“Salamat, Estong. Binigyan mo kami ng pag-asa,” sabat naman ni Yna.

Nagpaalam na si Estong kasama ang kanyang ama upang lumapit sa kinauukulan at magbigay ng testimonya. Sinamahan sila ni Brandon, habang naiwan naman si Yna na tumatangis.

Hindi nahuli ang mga salarin. Nawala ang mga ito sa lugar na maaaring nagtatago na. Mahigit isang taon na rin ang lumipas pero hindi pa rin matahimik ang kalooban ni Brandon.

Ngayon, nandito siyang muli sa eskinita. Nag-aabang. Naghihintay. Nagbabakasakaling makita ang tatlong kalalakihan na pumatay sa walang kalaban-laban niyang anak. Labag man sa kanyang kalooban, kailangan niyang ilagay ang batas sa kanyang mga kamay. Kung nakakalusot sila sa batas, hindi sa kanya. Umaasa siyang may araw na magbabalik ang mga ito at iyon ang pagkakataong hinihintay niya upang makamit ang hustisya.

Napatingala siya sa kalangitang namumutiktik sa mga nagniningningang bituin. Doo’y nakikita niya ang mukha ng anak na nakangiti sa kanya.

“Bitiwan n’yo ako! Parang awa n’yo na! Tulong!” sigaw na umagaw sa kanyang pansin.

Sa hindi kalayuan sa kanya ay ang tatlong lalaki na pinagtutulungan ang isang dalagita. Nagtatawanan pa ang mga ito na tila tuwang-tuwa sa pagmamakaawa ng natipuhang biktima. Makahulugang ngisi naman ang gumuhit sa mga labi ni Brandon bago nagwika, “Nakita ko rin kayo.”

“Tulong!”

“Bitiwan n’yo siya! Hindi n’yo pa nga napagbabayaran ang kasalanan n’yo sa aming mag-ama, mambibiktima na naman kayo!” matapang niyang sigaw. Natigilan naman sila.

Sa tulong ng liwanag ng buwan, naaninag nila ang mukha niya at nakilala. Natigilan sila. Tila nanigas at napako ang mga paa sa lupa. Nakawala naman ang dalagita na tumakbo sa likuran ni Brandon.

“Umuwi ka na, hija! Takbo!”

“Salamat po!” kaagad tumakbo ang dalagita pero sa hindi kalayuan ay huminto pa siya at lumingon.

“B-brando?” nauutal na wika ng isa sa kanila. Tila ba binalot ng takot ang kanina lang ay matabil nitong dila. Narinig naman ito ng dalagita.

“Brando… Brando ang pangalan niya,” bulong ng dalagita sa sarili bago tuluyang tumakbo palayo.

“Oras na ng paniningil. Buhay n’yo para sa hustisya!” nagngangalit niyang sigaw.

“P-patawad… P-patawarin mo kami!” pagmamakaawa nila. Mistulang nagising ang nakatulog na diwa dahil sa kalulungan.

“Wala nang kabuluhan ang salitang kapatawaran para sa akin dahil sa mga taong katulad n’yo. Pangarap kong magkaroon ng buo at masayang pamilya dahil buong buhay ko, ipinaramdam sa akin ng mundo na nag-iisa ako. Pero nang ibinigay na sa akin, binawi n’yo naman. Hindi na kayo naawa. Sagrado ang biyaya ng buhay pero nilapastangan ninyo!” galit na sigaw ni Brandon. Mabilis niyang nilapitan ang mga ito habang mahigpit ang pagkakahawak sa patalim na lagi niyang dala.

Nagtangka silang tumakas. Nagtangkang muling pagtaguan at takbuhan ang mga kasalanang hindi pa nila napagbabayaran. Gano’n pa man, sa pagkakataong ito ay nabigo sila. Kahit saan sila magtago; kahit saan magsuot; walang nakaligtas sa himutok ng nagluluksang ama. Isang ama na ang nais ay hustisya para sa kanyang yumaong anak. Ang anak na pinagkaitang mabuhay pa at maabot ang tinitingalang pangarap.

Mga sigaw na lamang ang umalingawngaw sa gitna ng gabi na ikinagulantang ng ilang nakarinig. Tanging mga bangkay ang tumambad sa kanila. Mga bangkay na tila hindi lamang sa maraming saksak namatay, kundi dahil sa matinding takot. Namatay ng dilat.

***

 

PAGKALIPAS NG ilang araw, maging sa kaalaman ni Yna ay nakaabot ang nasabing balita ukol sa tatlong adik na pinatay. Ginusto niya mang malungkot upang makisimpatya sa mga namatayan—dahil alam niya ang pakiramdam na maiwan—lihim na nagdiwang ang kanyang puso. Lalo na ng makompirmang iyon ang mga kalalakihang umagaw ng mga buhay, nagpabago sa asawa niya at sumira sa buo’t masaya nilang pamilya.

“Nakamit na ang hustisya. Matatahimik na rin ang kalooban ko,” bulong niya sa sarili habang hawak ang kanilang family picture.

Hindi naglaon ay may mahihinang mga katok na tumawag sa kanya para pagbuksan ang hindi inaasahang bisita. Bumungad sa kanya ang isang magandang babae na sa tantiya niya ay mas bata sa kanya ng ilang taon. Sa tabi naman nito ay ang isang nakangiting dalagita na pasilip-silip sa loob ng kanyang tahimik na tahanan.

“Sino sila?” tanong niya.

“Dito po ba nakatira si kuya Brando?” balik-tanong ng dalagita.

“Oo, bakit? Ano’ng sadya n’yo sa asawa ko?” muli namang tanong ni Yna. “Tuloy kayo.”

Pagkaupo ng mag-ina sa upuang yari sa kawayan, napatitig siya sa kaharap na si Yna. “Nandito lang kami para magpasalamat. Bago lang kami rito sa lugar n’yo. Nagtanong-tanong kami kaya nalaman namin itong bahay ninyo,” paliwanag ng ina ng dalagita.

“Magpasalamat?” napakunot ang noo ni Yna.

“Ah, oo. Ito kasing anak ko, matigas ang ulo. Sabi kong h’wag nang maglalalabas kapag gabi na kasi hindi dito katulad do’n sa dati naming tinitirhan. Eh, pumuslit. Ayon, muntik nang magpasamantalahan ng mga adik no’ng isang gabi do’n sa may eskinita sa ikatlong kanto papunta rito. Buti nailigtas siya ng asawa mo.” Napabuntong-hininga siya. “H’wag kang mag-alala. Wala kaming pinagsabihan na siya ang nakalaban ng mga namatay no’ng gabing `yon,” pabulong nitong wika.

Napailing si Yna. Tila binuhusan siya ng malamig na tubig dahil sa tinuran ng bisita. “Baka hindi `yon ang asawa ko. Baka nagkakamali lang kayo.”

“Hindi po ako p’wedeng magkamali. Narinig ko po nang banggitin noong isa sa mga lalaki ang pangalang, Brando. Takot na takot pa nga po sila, eh,” magalang na sabat ng dalagita.

“Ano? Imposible `yon?” naibulalas ni Yna na ipinagtaka ng dalawa.

“Bakit naman, misis?”

“Imposibleng siya `yon dahil dalawang taon na ngayong patay ang asawa ko. Sa katunayan, katatapos ko lamang magdasal para sa pag-alala ko sa anibersaryo ng kanyang kamatayan,” pagbubunyag niya.

Napamulagat ang mag-ina sa kanilang narinig.

“Sa eskinita ring iyon inabangan ang aming panganay na anak. Pinagtulungan nila at walang awang pinatay. Mula noon, napuno ng poot ang dibdib ng asawa ko. Naging mailap sa amin ang hustisya kaya ginusto niyang maghiganti. Isang araw, may nagbigay sa kanya ng impormasyon kung saan nagtatago ang mga suspek. Pinigilan ko siya, pero hindi siya nakinig. Galit siyang sumugod doon. Sa kasamaang palad, siya ang napatay,” kwento ni Yna. Dumungaw ang mga luha sa kanyang mga mata at kapagdaka’y sunod-sunod itong humalik sa kanyang pisngi na mabilis niya namang pinunasan ng nanginginig na kamay. “Salamat sa pagpunta n’yo. Kahit pala wala na siya, hindi niya binitawan ang paghahanap ng hustisya para sa aming anak.”

“Hindi namin alam. Patawad kung muli naming pinasakit ang sugat ng nakaraan. Naiintindihan ko kung ga’no kahirap `yon para sa `yo.”

“Wala `yon, dahil ang sakit na ito ngayon, maghihilom na sa nalalapit na panahon. Nakuha ko na ang hustisya.”

“Mama,” pagtawag ng isang batang babae na nasa limang taong gulang.

“Halika, anak.” Bumaling siya sa mga bisita niya. “Ito nga pala Yumi, ang bunso naming anak,” pakilala ni Yna.

Napansin niyang natigilan ang ginang at halos hindi kumukurap sa pagkakatitig sa kanyang anak. Hindi niya naman malaman pero tila ba may bumubulong sa kanyang kunin ang kanilang family picture. Sinunod niya iyon at iinabot sa ginang. Lalong namilog ang mga mata nito at tila unti-unting namuo ang luha sa kanyang mga mata. Nagulat na lamang si Yna nang humagulhol ito ng iyak.

“Bakit po? Ano po ba’ng problema?” naguguluhang tanong ni Yna. Gano’n din ang dalagitang napayakap sa kanyang ina.

“Kuya Brandon… Ang kuya Brandon ko.”

Nagulat na lamang si Yna nang sunggaban siya nito ng yakap. Marami mang tanong ang nabuo sa kanyang isipan, pinakalma niya ito. Pinainom niya muna ito ng tubig bago siya nag-usisa. “Sino ka? Bakit kuya ang tawag mo sa asawa ko?”

“Kapatid ko siya,” emosyunal nitong sagot sa kanya.

“Ikaw si Brenna?” naibulalas niya.

Tumango ito. “Matagal namin syang hinanap. Bata pa kami nang maglayas siya. Hanggang sa napilitan na lang kaming sumuko. Umasa na lang kami na babalik siya. Dahil sa pagkawala niya, nagbago sina Mama at Papa. Mas binigyan na nila ng panahon ang aming pamilya sa takot na mawala rin ako. Hanggang sa nakapangasawa na rin ako. At noong nakaraang taon, tuluyang nalugi ang negosyo namin. Kamamatay lang ni Papa. Pero si Mama, kasama ko siya. Tiyak matutuwa siya kapag nakita niya kayo,” kwento niya. Napahawak ng mahigpit si Brenna sa mga kamay ni Yna.

“Talaga ba? Salamat naman sa Diyos at gumawa siya ng paraan para magkakilala tayo,” natutuwang tinuran ni Yna.

“Sumama na kayo sa amin. Kayo ng pamangkin ko. Alam kong malulungkot lang kayong dalawa rito,” magiliw na alok ni Brenna.

“Maaari ba?”

“Ate, hindi pa huli ang lahat. Tuparin natin ang buong pamilya na pinapangarap ni kuya.”

Napangiti si Yna. Marahan siyang tumango. “Tiyak, kung nasaan man sila ngayon ni Karlos, matutuwa ang mga `yon,” maluha-luhang pagsang-ayon niya.

Nagyakap silang dalawa. Kapwa nagdadalamhati sa kanilang kawalan, subalit kapwa rin nagdiriwang dahil sa pamilyang bubuuhin nila’t magiging sandigan. Iiwan nila ang masasakit na alaala sa bahay na iyon at muling bubuo ng bago na magpapahilom sa mga sugat ng kahapon.

 

WAKAS

***

Ang maikling kwento na ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9.

Saranggola Blog Awards

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: