MING KUTING

Written by: Maccheb

Natagpuan si Ming na natutulog sa paboritong silya ng kaniyang amo. Hinimas-himas siya nito kaya’t siya ay nagising. Iinunat niya ang kaniyang katawan kasunod ng isang mahabang hikab. “Meow!” nasabi niya. Ikiniskis niya ang kaniyang malambot na katawan sa kamay ng amo. Mayamaya’y narinig niya na ang pagtawag ng kaniyang inang si Kring kaya’t agad siyang tumalon pababa ng silya. Tumakbo siya palapit sa kaniyang ina. Sinalubong naman siya nito at dinilaan.

“Saan ka na naman natulog?” tanong ng kaniyang ina.

“Doon po sa malambot na silya,” sagot niya.

“Halika at tuturuan ko kayong manghuli ng daga.”

“Natatakot po ako kasi ang lalaki nila.”

“Huwag kang matakot Ming. Ako ang haharap sa kanila. Panoorin ninyo ako upang paglaki ninyo, marunong na kayo.”

Sa kanilang paghahanap, nasalubong nila ang isang malaking itim na pusa. Agad namang nagtama ang paningin nito at ng kanilang ina. Hanggang sa ikinasindak na nilang magkakapatid ang mga sumunod na nangyari. Nagtago silang apat sa likod ng mayayabong na halaman. Nanginginig nilang pinanood ang kanilang ina at ang kalaban nito habang nag-aaway. Mabuti na lamang at lumabas ang kanilang amo at pinaalis ang itim na pusa.

“Ina, ayos ka lang po ba?” tanong ni Ming.

“Oo naman. Hindi ako basta-basta nagpapatalo. Kailangan ko pang mabuhay para sainyo,” sagot ni Kring.

“Ang galing naman! Paglaki ko, magiging matapang din po ako katulad ninyo. Kakagatin ko sa leeg ang kaaway ko para matalo ko siya,” bulalas ng isa niyang kapatid na sinang-ayunan ng dalawa pa. Subalit iling ang isinagot ng kanilang ina.

“Bakit po?” tanong ni Ming.

“Mali ang makipag-away. Ang ginawa ko ay pagtatanggol lamang sa aking sarili dahil inatake niya ako. Naiintindihan niyo ba ako mga anak?”

“Opo ina,” sagot nila.

“Ming, ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo. Maghahanap lang ako ng makakain.”

“Akala ko po ba kasama kami?”

“Huwag na lang muna siguro dahil delikado pa pala para sainyo.”

Napaisip si Ming. Ganoon pala umano ang buhay sa labas ng apat na sulok ng bahay na tinitirahan nila. Delikado dahil anumang oras ay maaaring may umatake sa ‘yo. Hindi naman nagtagal ay bumalik ang kanilang ina na may dalang isang malaking daga. Dahil sa nararamdamang gutom, mabilis niya itong kinagat at ipinagdamot sa mga kapatid.

“Ming, bigyan mo naman kami,” pakiusap ni Ting.

“Oo nga. Nagugutom din kami,” sabat nina Ping at Bing.

“Ayaw ko. Akin lang ito,” pagdadamot ni Ming.

“Ming, hindi ko iyan hinuli para lang sa ‘yo. Bigyan mo rin ang mga kapatid mo,” utos ng kanilang ina.

“Ayaw ko po. Gutom na gutom na ako. Kanina pa ako nagbabantay sa kanila.”

Hindi na nakakibo si Kring sa inasal ng kaniyang panganay. Umalis na lamang siya ulit at ihinanap ng makakain ang tatlo pang anak. Si Ming naman ay tuluyang sinarili at ipinagdamot ang kinakaing daga.

Kinagabihan, tinawag na sila ng kanilang amo para sa hapunan. Dahil sa inis nina Ting, Ping at Bing kay Ming ay inungulan din nila ito. Hindi nila ito hinayaang makalapit sa pinggang kinakainan nila kahit konti. Hanggang sa nag-away sina Ping at Ming. Nagkagatan na animo’y hindi magkakapatid. Dahil sa nakitang eksena, galit na inawat ni Kring ang mga anak. Ang kaniyang pagtitimpi ay tuluyan nang nasagad.

“Itigil niyo nga iyan!” sigaw ni Kring. Natahimik naman ang apat nang makitang galit na galit ang ina.

“Ayaw po kasi nila akong pakainin samantalang para sa ating lahat naman ang pagkain,” paliwanag ni Ming sa ina.

“Ngayon, anong pakiramdam Ming? Pinagdadamutan ka nila ngayon dahil nagdamot ka rin kanina. Kayong tatlo naman, ilang beses ko bang kailangang sabihing mali ang gumanti.”

“Patawad po ina. Gusto lang po naming maramdaman niya ang ginawa niya sa amin kanina,” paliwanag ni Ping.

“Kahit ano man ang mangyari, mananatiling mali ang pagdadamot at paghihiganti. Ang pagkain ay biyayang mula sa langit. Ito ay nararapat lamang na ibahagi at hindi ipagdamot. Kung ipagpapatuloy ninyo iyan, aayawan kayo ng biyaya. Anu’t anuman, magkakapatid kayo. Dapat ay nagbibigayan kayo. Sa oras ng pangangailangan, ang isa’t isa lang ang inyong masasandalan at makakapitan.”

“Patawad po. Kasalanan ko po,” pag-ako ni Ming sa pagkakamali.

“Patawad din po ina,” magkakasabay na paghingi ng tawad ng tatlo.

“Sana ay pakatandaan ninyo ang mga sinabi ko at matuto sa pagkakamaling ito.”

“Opo, simula ngayon ay magbibigay na ako. Hindi lang sa kanila kung hindi ay pati sa iba,” pangako ni Ming.

“Kami rin po!”

“Mabuti naman. Halina, kumain na tayo.”

Tahimik at masaya silang kumain. Mula ng araw na iyon ay naging mapagbigay na si Ming, lalo na sa kaniyang mga kapatid. Lumaki siyang mabuti at matulungin. Mapagbigay sa kapwa pusang nangangailangan. Siya naman ngayon ang tinitingala at ipinagmamalaki ng kaniyang mga kuting.

WAKAS

Lahok sa Saranggola Blog Awards para sa kategoryang Kwentong Pambata – Pabula

Saranggola Blog Awards

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: