Untitled-1-1

Naranasan n’yo na bang laitin, pagtawanan, apihin o mapahiya?

Marahil alam n’yo ang pakiramdam. Masakit. Pero higit na masakit ang husgahan. Tawagin ng kung anu-anong hindi naman ikaw. Husgahan dahil lang sa panlabas mong kaanyuan. Husgahan dahil sa kalagayan mo sa buhay na hindi mo naman ginusto.

Lahat ‘yan napagdaanan ko na. Sabi nga ng iba, bitter daw ako. Sino bang may gusto no’n? Wala namang may gustong tawaging bitter, ‘di ba? Mayroon lang talagang mga taong hindi lubos na nauunawaan ang sitwasyon ng iba dahil hindi nila napagdaanan kung gaano ito kahirap.

Mula pagkabata ko, nilalait na ako, pinapahiya at pinagtatawanan. Hindi ko naman kasalanang ipanganak akong ganito. Minsan nagtatanong ako kung bakit, pero tanggap ko kung anong ibinigay ng Panginoon sa akin dahil higit siyang marunong at may sapat siyang dahilan para sa lahat ng bagay na nangyayari sa atin.

Naranasan n’yo bang masabihan na walang magandang kinabukasang naghihintay sa ’yo? Ang pagtawanan dahil lang sa ginagawa mo ang lahat para abutin ang pangarap mo, pero hindi pa rin sapat?

Sa kabila ng lahat, nag-aral akong mabuti at nakapagtapos. Nakapagtrabaho. Salamat po sa “Operation Smile”, nagkaroon pa rin ako ng normal at masayang buhay sa kabila ng lahat.

Akala ko sapat na ‘yon para tumigil sila, pero hindi pala.

Pansamantala ay minabuti kong huminto muna sa pagtatrabaho dahil sa isang kadahilanan. At dahil dito, muli kong nakasama ang pinakamatalik kong kaibigan, ang pagsusulat. Ito ang nagtulak sa akin na kumilos para sa pangarap kong maging isang writer katulad ng iniidolo ko.

Hanggang isang araw, may narinig ako. Tapos daw ako ng pag-aaral sa kolehiyo, pero hanggang sa ngayon ay wala akong nararating at napapatunayan dahil ganito ako. Hindi ko raw ginagamit ang pinag-aralan ko.

Nanahimik ako dahil alam kong iyon ang tama. Matanda pa rin sila sa akin na nararapat kong igalang. Sila na mas dapat nakakaalam ng mali at tama. Pinigil ko ang galit na ibig lumabas sa akin. Ang sinabi ko na lang sa sarili ko at patuloy na sinasabi, “Ano bang alam nila sa akin? Alam ba nila ang buong kuwento ng buhay ko para husgahan ako ng ganon lang kadali?”

Nagpasya akong muling maghanap ng trabaho, pero magpa-hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pinapalad. Bawat bungad ko sa kompanyang aaplayan ko, sa mga tingin pa lamang nila ay tila ba puno na ako ng panghuhusga. Tatawagan na lang daw, pero lumipas na ang mga linggo, buwan at taon, hindi naman tumunog ang cellphone ko. Kakambal ko na nga talaga yata ang rejection. Pero hindi ako susuko.

Kaya malaki ang pasasalamat ko sa una kong trabaho dahil hindi ako hinusgahan. Binigyan ako ng pagkakataong patunayan ang sarili ko, pinagkatiwalaan at tinanggap. Halos ayaw pa akong payagan noong mag-resign ako, pero pumayag sila dahil alam nilang kailangan kong gawin ‘yon para pagbutihin pa ang sarili ko. Gustuhin ko mang bumalik, nahihiya na rin ako. At meron na ring pumalit sa posisyong naiwan ko.

Alam ko namang hindi magiging madali ang paglalakbay ko. Lalo na ang pag-abot ko sa mga pangarap ko. Kung susuko ako at magpapadala sa sinasabi ng iba, matatalo lang ako.

Alam ko na ang lahat ng nangyayari sa bawat tao ay may dahilan. Hindi natin nakukuha ang lahat ng gusto natin dahil may bagay na mas nararapat sa atin, higit pa sa hinahangad natin. Pagkatapos ng gabi, sisikat ang panibagong umaga.

Sa bawat luha, may ngiting naghihintay. Sa bawat pagkatalo, may naghihintay na tagumpay. Sa bawat panghuhusga, sa huli ay may mararating at mapapatunayan. Hindi tayo pababayaan ng Panginoong sa atin ay gumagabay at nagmamahal.